Ayon kay Brig. Gen. Allan Arrojado, ang commander ng joint task group Sulu, alas 10:20 ng gabi nang maka-engkwentro ng mga miyembro ng kanilang 32nd infantry batallion ang grupo ni Radulan Sahiron sa Sitio Kantabia, barangay Buhanginan sa Patikul.
Aniya tumagal ng dalawampung minuto ang palitan ng mga putok at walang napaulat na namatay o nasugatan sa magkabilang panig.
Nabatid na 6:30 ng gabi nang makatanggap ng impormasyon ang Joint task group Sulu sa paglaya ni Garcia Indanan at ito ay pasakay na umano ng barko na patungo sa Zamboanga City sa Jolo Pier nang maabutan ng mga sundalo at pulis alas 9:30 ng gabi.
Sinasabi na pinalaya si Garcia para mahinto ang mga operasyon ng militar laban sa grupo ni Sahiron ngunit may iba namang ulat na ito ay kusang nakatakas.
Magugunita na dinukot si Garcia noong nakaraang buwan ng Abril sa Bongao, Tawi-Tawi.
Matapos sumailalim sa medical check-up at debriefing ay dinala si Garcia sa Zamboanga City sakay ng isang multi-purpose assault craft ng Philippine Navy.