Nababahala na ang mga lokal na opisyal sa gitna ng mga pagpatay sa ilang alkade sa bansa.
Ipinahayag ni Socorro City Mayor Maria Fe Brondial, pangulo ng League of Municipalities in the Philippines na natatakot na ang mga lokal na punong ehekutibo sa sinapit nina Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili at General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.
Aniya, partikular na nangangamba ang mga alkalde na nasa narco list ng administrasyong Duterte. Sinabi ni Brondial na itinatanggi ng mga ito ang pagkakasangkot sa kalakalan sa ilegal na droga at kinukwestyon kung bakit sila napasama sa listahan.
Dagdag ni Brondial, kung nakagawa man ng krimen ang mga lokal na opisyal, dapat na idaan ito sa pagsasampa ng reklamo sa Office of the Ombudsman o sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay Brondial, hiniling niya na sa Malacañang na makausap si Pangulong Rodrigo Duterte makaraan itong magbanta na tatanggalan ng police powers ang mga opisyal sa mga lugar na may mataas na bilang ng krimen, at laganap ang paggamit ng ilegal na droga.