Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magtayo ng temporary shelters para sa mga pamilya sa lansangan.
Ito ay sa gitna ng pagpapaigiting ng pulisya sa kampanya kontra tambay.
Ayon kay DSWD Acting Secretary Virginia Orogo, balak ng kagawaran na buhayin ang programa ng lokal na pamahalaan at non-government organizations na pagpapatayo ng activity centers para sa mga kabataan sa lansangan.
Gayunman, sinabi ni Orogo na hindi lamang ito magsisilbing activity center, kundi temporary shelters. Tatawagin aniya itong “Silungan sa Barangay.”
Paliwanag ni Orogo, kapag nakumpirma ng DSWD na inabandona ang isang bata, dadalhin ito sa center. Dagdag niya, bukas din ito para sa mga pamilya na naninitahan sa lansangan.
Ayon kay Orogo, isasailalim sa counselling ang mga ito at tuturuan ng mga pangkabuhayan.
Samantala, pinalalahanan din ng DSWD ang pulisya na mag-ingat sa pagdampot sa mga batang tambay dahil madaling ma-trauma ang mga ito.