Pumalag ang Palasyo ng Malakanyang sa pahayag ni Opposition Senator Kiko Pangilinan na isang kaso ng extrajudicial killing ang pagpatay kay Tanauan City Mayor Antonio Halili.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, haka-haka lang ni Pangilinan ang pinalulutang nitong produkto ng EJK ang sinapit ni Halili.
Paliwanag ni Roque, hindi pa tapos ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso ni Halili.
Katunayan, hindi pa aniya alam kung ano ang motibo o rason sa pagpatay sa alkalde.
Hindi pa kasi aniya matukoy ng mga pulis kung pulitika o ilegal na droga o ibang rason ang dahilan ng pagpatay kay Halili.
Mas makabubuti aniya kung hayaan na lang muna ang mga awtoridad para matukoy ang tunay na motibo at maiwasan ang anumang espekulasyon.
“What we are appealing for right now is for a bit of patience, let authorities do their job. We will uncover the truth behind this crime, because that is the state obligation,” pahayag ni Roque.