Peace and order sa bansa bumuti ayon sa PNP

Sa kabila ng walang habas na pagpatay kay Tanauan City, Batangas Mayor Tony Halili at General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote at ang pagpaslang sa mga pari at ilan pang lokal na opisyal, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na bumuti pa ang peace and order sa bansa.

Ayon kay PNP Spokesperson Senior Superintendent Benigno Durana, bagaman may mga insidente ng pagpatay, dapat malaman ng publiko na umayos pa ang peace and order situation sa bansa batay sa kanilang datos.

Binanggit ni Durana ang bumaba ang crime rate na basehan ng pagbuti ng kaayusan at kapayapaan sa bansa.

Ayon sa opisyal, lumabas sa dalawang surveys na nabawasan ang bilang ng mga krimen habang nag-improve ang law and order situation.

Ito aniya ang Pulse Asia Survey kung saan nakasaad na bumaba ang crime rate sa 6.6% mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon kumpara sa 7.6% sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Ikalawa aniya ang 2018 Gallup Survey on Peace and Order na nagsabing ang seguridad sa Pilipinas ay “comparable” sa Australia at South Korea na mga developed countries.

Nangangahulugan aniya ito na epektibo ang anti-crime strategy ng PNP.

Sa kaso naman ng pagpatay kay Halili, tiniyak ng pulisya na hindi titigil ang mga imbestigador hangga’t hindi nareresolba ang kaso.

Read more...