Ipinag-utos na ng Department of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation o (NBI) ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa pagpatay sa mga alkalde ng Tanauan, Batangas at General Tinio, Nueva Ecija sa nakalipas na dalawang araw.
Noong Lunes, binaril sa isang flag ceremony si Tanauan Mayor Antonio Halili habang inambush naman si General Tinio Mayor Ferdinand Bote kahapon.
Sa isang text message, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nagbigay na siya ng direktang utos sa NBI para imbestigahan ang naturang mga pagpaslang.
Mayroon nang mga tauhan ng NBI ang tumungo sa Tanauan at kumalap ng impormasyon mula sa ilang mga opisyal ng city hall para malaman kung sino ang pumaslang kay Halili at ano ang motibo para gawin ito.
Ayon kay Guevarra, nagsagawa rin ng ocular inspection ang kanyang mga tauhan sa hinihinalang lugar kung saan nakaposisyon ang sniper.
Nauna rito ay kinondena na ng Malacañang ang pagpaslang sa dalawang opisyal at iginiit na palalawakin at palalalimin nang husto ng pambansang pulisya ang imbestigasyon sa magkahiwalay na kaso.