Pangulong Duterte nilagdaan na ang national feeding program law

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang batas na layong bumuo sa isang ‘national feeding program’ para sa mga ‘undernourished’ na kabataang Filipino sa bansa.

Layon ng nilagdaang Republic Act 11037 o “Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act” na labanan ang gutom at pagiging kulang sa nutrisyon ng mga kabataang pinoy sa mga pampublikong paaralan.

Ito ay isang consolidated bill mula sa Senado at Kamara.

Pangungunahan ng Department of Education (DepEd) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang implementasyon ng batas.

Sa ilalim ng batas na ito ay ipatutupad ang supplemental feeding program para sa day care center students habang isang school-based feeding program naman para sa mga undernourished public school students sa Kindergarten hanggang Grade 6.

Sa ilalim ng naturang mga programa ay makatatanggap ang mga bata ng isang ‘fortified meal’ sa hindi bababa sa 120 araw sa loob ng isang taon.

Bukod sa fortified meals ay mayroong ding milk feeding program para sa mga kabataan.

Magsasagawa rin ang gobyerno ng iba’t ibang health examinations para sa mga bata kabilang ang pagsasagawa ng bakuna at deworming.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang batas na ito ay patunay lamang ng dedikasyon ng pangulo na bigyan ang bawat kabataang Filipino nang maayos na nutrisyon at kalusugan.

Babantayan ang kalusugan at nutrisyon ng bawat batang isasailalim sa programa sa pamamagitan ng bubuoing National Nutrition Information System.

Read more...