Siksikang mga piitan isinisi ng COA sa war on drugs

AFP

Isinisi ng Commission on Audit (COA) sa maigting na war on drugs ng gobyerno at mabagal na aksyon ng korte ang siksikang mga kulungan sa bansa na umabot na sa 612% overcapacity noong 2017.

Hanggang December 31, 2017, sinabi ng COA na mayroon ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng kabuuang 146,302 na mga bilanggo sa mga district jails, city jails, municipal jails, extension jails at female dormitories sa kabila ng total land area na kaya lang ang 20,652 occupants.

Ayon sa COA 2017 audit report, tumaas ang bilang ng mga preso dahil sa mga kasong may kaugnayan sa droga at ang mabagal na aksyon o kawalan ng aksyon sa mga nakabinbing kaso dahil sa kulang na mga hukom, pagpapaliban ng mga hearing at mabagal na desisyon sa mga kasong kriminal na habambuhay na pagkakulong ang parusa.

Dagdag ng COA, ang mga mahirap na bilanggo na hindi kayang magpiyansa ay nagresulta sa congestion rate o siksikang mga kulungan ng BJMP kung saan tumaas ang overcapacity rate mula sa 511% noong 2016.

Dahil sa siksikan sa kulungan, exposed ang mga preso sa iba’t-ibang mga sakit gaya ng sakit sa baga, altapresyon, pigsa, trangkaso, hika, sakit sa mata at fungal infections at iba pa.

Bukod dito, dahil sa kundisyon sa kulungan ay napipilitan ang mga bilanggo na sumali sa mga gang kapalit ng kaligtasan at pagkakaroon ng kontrabando.

Read more...