AFP irerekomendang tapusin na ang peace talks sa komunistang grupo

Irerekomenda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatapos ng usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, ang AFP bilang bahagi ng Department of National Defense ay irerekomenda sa Pangulo ang termination ng peace talks sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na pinangungunahan ni Jose Maria Sison.

Una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na irerekomenda niya ang pagtatapos ng peace talks dahil hindi naman tapat ang mga rebeldeng komunista sa negosasyon.

Ayon sa kalihim, bumuo ang mga komunista ng 3 taong plano para isulong ang revolutionary movement kabilang ang planong pagpapatalsik kay Pangulong Duterte.

Binanggit din ni Lorenzana na hindi makasunod ang mga rebelde sa kundisyon ng Pangulo kabilang ang paghinto ng pagkuha ng mga miyembro, hindi pagsagawa ng arson o panununog at koleksyon ng revolutionary tax.

Ipinaliwanang naman ni Arevalo na bagamat nais nilang itigil na ang usapang pangkapayapaan, gusto pa rin nilang magkaroon ng localized peace talks.

Read more...