Patay ang isang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) makaraang maka-engkwentro ang tropa ng pamahalaan sa Pantukan, Compostela Valley.
Ayon kay Chief Insp. Milgrace Driz, tagapagsalita ng Southern Mindanao Police, nagpapatrulya ang mga sundalo ng 46th Infantry Battalion sa bisinidad ng Sitio Sudlon, Barangay Tagugpo sa Davao nang biglang magkasagupa ang rebeldeng grupo bandang 5:45, Martes ng madaling-araw.
Tumagal ng 15 minuto ang bakbakan ng magkabilang panig.
Iniwan ng mga nakatakas na rebelde ang bangkay ng kanilang kasamahan sa pinangyarihan nito.
Narekober naman ng militar ang isang Caliber .45 pistol, mga bala at magazine.
Sa ngayon, nananatili ang labi ng rebelde sa Barangay Hall ng Tagugpo.
Patuloy namang naka-alerto ang lahat ng police station sa lalawigan para sa anumang banta ng rebelde grupo.
Nauna nang inilagay ng militar sa full red alert status ang kanilang hanay dahil sa mga banta ng pag-atake ng mga miyembro ng CPP-NPA.