Drug suspect, sugatan matapos subukang tumakas mula sa mga pulis sa Quezon City

Duguan at sugatan ang isang lalaki matapos nitong subukang tumakas mula sa mga otoridad sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Nakilala ang drug suspek na si Elmer Madella, 40 taon gulang at residente sa nasabing barangay.

Ayon sa mga elemento ng Quezon City Police District (QCPD) Station 6, nagsasagawa sila nang Oplan Sita nang matiyempuhan si Madella na kabilang sa drugs watchlist ng mga otoridad.

Nang sitahin ng mga otoridad ay pinaharurot nito ang kanyang motorsiklo. Sa tulin ng kanyang patakbo ay hindi niya napansin ang isang paparating na barangay patrol car, dahilan upang sumalpok ito dito.

Sugat sa mukha at dibdib ang tinamo ni Madella.

Nang kapkapan at tingnan ang laman ng kanyang dalang bag ay doon na nadiskubre ang isa’t kalahating bulto ng hinihinalang shabu. Tinatayang nagkakahalaga ng P65,000 ang nasabat na iligal na droga mula sa suspek.

Mahaharap si Madella sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at isasailalim sa inquest proceedings ngayong araw.

Read more...