Laban ng Gilas Pilipinas at Australia, nauwi sa gulo

Nauwi sa gulo ang laban ng Gilas Pilipinas at Australia sa 3rd quarter ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na ginanap sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Nang mangyari ang gulo ay nasa apat na minuto na lamang ang natitira para sa 3rd quarter ng laro.

Nagsimula ang gulo nang itulak ni Roger Pogoy ng Gilas si Chris Goulding ng Australia.

Sinundan ito ng pagganti ni Daniel Kickert kay Pogoy at siya namang pagsuntok ni Jayson Castro kay Kickert.

Dito na nakigulo ang iba pang mga manlalaro.

Dahil sa gulo ay inihinto ang laro para suriin ng mga referee ang naturang gulo.

Matapos masuri ang replay ng nasabing insidente ay nasa 13 mga manlalaro ang tinanggal sa laban.

Sa panig ng Australia ay tinanggal sa sina Thon Maker, Christopher Goulding, Nathan Sobey at Daniel Kickert.

Habang sa panig naman ng Gilas ay tinanggal sina Terrence Romeo, Jayson Castro, Carl Bryan Cruz, Calvin Abueva, Andray Blatche, Roger Pogoy, Troy Rosario, Japeth Aguilar at Matthew Wright.

Kalaunan ay itinuloy din ang laro kung saan may tatlong manlalaro na lamang ang Gilas, sina June Mar Fajardo, Gabe Norwood at Baser Amer.

Pero kasunod nito ay na-foul out din sina Norwood at Fajardo.

Dahil si Amer na lang ang nag-iisang manlalaro ng Pilipinas ay tinapos na ng mga opisyal ang laro kung saan panalo ang Australia sa score na 89-53.

Read more...