Banta ni Sison sa gobyerno minaliit lang ng Malacañang

(AP Photo/Andrew Medichini)

Pinagtawanan lamang ng Malacañang ang banta ni Communist Party of the Philippines Founding Chairman Jose Maria Sison na pababagsakin nila ang gobyerno ng Pilipinas at patatalsikin sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pulong balitaan sa Maasin, Leyte ay sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nananaginip lamang si sison.

Iginiit pa ni Roque na hindi kasalanan ng gobyerno kung hindi natuloy ang peace talks sa komunistang grupo dahil si Sison ang umayaw sa pakikipag-usap.

Malinaw aniya ang kondisyon ng pangulo na sa pilipinas dapat mag-usap ang gobyerno at ang komunistang grupo.

Bukod dito, ginagarantiyahan din ng pangulo na walang magaganap na pag-aresto kay Sison habang umuusad ang peace talks.

Nananaginip aniya si Sison dahil ilang taon nang nagbabanta ang komunistang grupo na patatalsikin ang gobyerno subalit hanggang ngayon ay hindi pa ito nangyayari.

Maari aniyang umasa pa si Sison ng susunod na tatlumpong taon at ituloy lamang ang pananaginip na mapatatalsik niya ang gobyerno ng pilipinas.

Apela pa ni Roque kay Sison, itigil na ang dakdak at umuwi na lamang sa Pilipinas para tulungan ang bayan para maging kumportable ito sa bawat Filipino.

Read more...