Lider ng robbery group patay sa shootout sa Cavite

Patay ang isang hinihinalang lider ng isang robbery group makaraang maka-engkwentro ang mga pulis sa Bacoor City, Cavite.

Ayon kay Bacoor City police chief Supt. Vicente Cabatingan nasawi ang suspek na si Roldan Maiso sa engkwentro na naganap sa Barangay Panapaan 4 ala 1:00 ng madaling araw.

Si Maiso ay isang dating security guard at syang nagtayo ng Maiso robbery and hold-up group na tumatarget sa mga kainan sa Cavite.

Sinasalakay umano ng grupo ni Maiso ang mga restaurants sa Cavite kapag dis oras ng gabi at saka nililimas ang mga gamit ng mga kumakain.

Bago ang engkwentro kay Maiso, naaresto na ang dalawa pang kasamahan nito at sila ang nagbigay ng impormasyon sa mga otoridad kung saan nagtatago ang lider.

Nang isisilbi na ang warrant of arrest kay Maiso para sa nauna na nitong kasong frustrated homicide ay pinaputukan nito ang mga pulis dahilan para mauwi sa engkwentro ang insidente.

Nakatakas naman ang dalawa pang kasamahan ni Maiso.

 

Read more...