Drug suspek nasawi matapos manlaban sa GenSan

Isa patay, habang isa ang arestado sa ikinasang magkahiwalay na operasyon ng mga otoridad sa Batangay Dadiangas South, General Santos City.

Kinilala ang nasawing suspek na si Crispio Liquit.

Ayon sa hepe ng Philippine National Police (PNP) Region 12 na si Chief Superintendent Marcelo Morales, nang aktong aarestuhin sa bisa ng warrant of arrest si Liquit ay pumalag ito at bumunot ng baril, bago pinaputukan ang mga otoridad.

Dahilan ito upang gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang .357 Magnum pistol at walong sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Samantala, sa hiwalay na operasyon sa kaparehong barangay ay hinalughog ng mga otoridad ang bahay ni Figuracion Dayupay alyas Boyet matapos makatanggap ng impormasyon na sangkot ito sa kalakaran ng iligal na droga.

Narekober mula sa bahay ni Dayupay ang isang granada, tatlong sachet ng shabu, at mga drug paraphernalia.

Ayon sa mga otoridad, kabilang ang dalawang mga suspek sa narco list at pawang mga high value target.

Read more...