P6.8M shabu narekober Las Piñas City at Quezon City

Limang mga drug suspek, kabilang ang tatlong mga babae, arestado sa magkahiwalay na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Las Piñas at Quezon City.

Unang naaresto ng pinagsanib-pwersa na PDEA-Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-ARMM) at PDEA Special Enforcement Services (PDEA-SES) ang tatlong magkakaibigang babae na sina Laila Kmsa, 29 taong gulang at isang overseas Filipino worker (OFW); Monina Kusin, 28 taong gulang at isa ring OFW; at Kristinelyn Bermejo, 22 taong gulang.

Sa parking lot ng isang malaking mall sa kahabaan ng Alabang-Zapote Road sa Las Piñas naaresto ang tatlo.

Narekober mula sa mga ito ang 500 gramo ng hinihinalang shabu na nakasilid sa isang baunan. Tinatayang nagkakahalaga ito ng P3.4 milyon.

Ayon kay PDEA SES Director Levi Ortiz, nanggaling sa Mindanao ang droga at ibinyahe papuntang Maynila sa pamamagitan ng barko.

Ayon sa mga suspek, isang alyas Ladj mula Talitay, Maguindanao ang kanilang supplier ng shabu. Ayon sa mga ito, konektado sa alkalde sa Maguindanao si alyas Ladj.

Samantala, dalawang magkapatid na lalaki na sina Abdul Socri at Salman Daromimbang ang naaresto sa isa ring mall sa Project 8, Quezon City.

Nasabat mula sa mga ito ang 500 gramo ng hinihinalang shabu na mayroon din estimated street value na P3.4 milyon.

Ayon sa magkapatid, negosyante sa Quiapo, Maynila ang kanilang supplier ng droga.

Mahaharap ang limang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Read more...