Nais ng Department of Justice (DOJ) na bawiin na ang pansamantalang kalayaan na ibinigay sa mga nakakulong na consultant ng National Democtratic Front of the Philippines (NDFP) at Communist Party of the Philippines (CPP) kasunod ng napurnadang pag-uusap ng makakaliwang grupo at pamahalaan.
Inutusan na ni Justice Secretary Menardo Guevara ang mga prosecutor na humahawak sa mga kaso laban sa mga lider ng NDFP at CPP na simulan na ang revocation ng court order na pumapayag sa mga lider na makapag-piyansa upang makapunta sa pag-uusap sa Netherlands o Norway.
Kapag inaprubahan na ng mga korte ang kahilingan ng DOJ ay kailangang bumalik sa loob ng piitan ang mga lider ng NDFP at CPP.
Kung hindi siya boluntaryong susuko at lalabag sa mga kundisyong nakapaloob sa kanilang pansamantalang kalayaan ay posibleng maghain ng arrest order ang mga korte.
Partikular na binigyan ng pansamantalang kalayaan sina NDFP consultant Benito Tiamzon, Adelberto Silba, Rafael Baylosis, Randall Echanis, Vicente Ladlad, at Alan Jazmines.