BAGONG PNP MOBILE CARS PERO KULANG SA GASOLINA sa WAG KANG PIKON with Jake Maderazo

Marami ngayon ang nananalanging magtagumpay ang pulis laban sa mga kriminal. Lalo ngayong nagbabalikan na naman ang mga masasamang loob, mga “riding in tandem” hired killers, holdaper sa mga restoran at mga snatcher na parang wala nang kinatatakutan.

Doble na ang sweldo ng mga pulis at malaki na rin ang benepisyo. Bukod dito, maraming bansa ang nagbibigay ng donasyon na bagong kotse, bala, at equipment para gamitin kontra kriminalidad. Noong 2017, ang Japan ay nagbigay ng 100 patrol units, kabilang ang 87 Mitsubishi Montero SUVs at 13 Nissan Urvans. Kasama din ang 6 bomb suits, 6 ballistic shields at 440 bullet proof helmets at vests na nagkakahalaga ng P225M.

Ang China nagdonasyon din ng P169M sa AFP kung saan 6,000 assault rifles, ammunition at iba pang accessories ang napunta sa PNP.

Ang Quezon city government sa pamumuno ni Mayor Herbert Bautista ay nagdonasyon ng 50 Toyota Vios at 150 Yamaha motorcycles na gamit pang-patrulya ng QCPD.

Nitong 2018, may $6.6M (P352M) donasyon ang South Korea na 49 Hyundai Elantra, 49 markadong Hyunda Starex, at 32 “unmarked” Hyundai Starex vans na ikakalat sa mga PNP units sa buong bansa.

Dalawang beses ding nagdonasyon ang Quezon city government ng tatlong Montero SUV at 1,250 piraso ng Taurus Cal. 40 Model PT840 semi-automatic pistols nitong Mayo na sinundan ng 25 bagong Toyota Vios at 100 Galil Automatic rifles nitong Hunyo.

Napakagandang mga balita kontra krimen, pero iba ang nangyayari sa field operations ng PNP. Mga bago nga ang kanilang mga sasakyan, pero kulang naman ng gasolina.

Maraming taga-PNP ang nagsabi sa akin na ang gas allowance sa 12 oras na operasyon ng mobile patrol car ay P240 lamang at P80 para naman sa motorsiklo. Gaanong layo ang mararating ng P240 na gasolina sa patrol car sa dose oras? Gaano kalayo ang mararating ng P80 sa motorsiklo sa dose oras? Paanong mahahabol ng pulis ang mga “riding in tandem” kung ganito ang gasolina nila para sa dose oras na duty? Sa mga istasyon ng Petron, may mga mobile patrol cars nga po na nagkakarga lang ng P150 na gasolina batay sa PNP “fleet card allocation”. Kaya wala tayong makitang “roving” na mobile patrol car, halos lahat naka SBY, ibig sabihin standby o display lang sa kanto.

Malaking problema rin ang suplay ng 9mm bullets ng mga pulis. Dapat sana, merong bala ang bawat tatlong magazine o kabuuang 45 bullets kada pulis, pero wala. Nag-aabang sila ng “sale” ng Armscor para personal na bumili ng P600 bawat magazine sa regular na presyong P1200.

Nakakalungkot pero , hindi lang pala sa Metro Manila nangyayari ang ganito kundi sa lahat ng mga PNP units sa buong bansa. Alam ba ito ni PNP Chief Oscar Albayalde ?

Mayor Herbert Bautista, Joseph Estrada, Oscar Malapitan, at Tony Calixto , sampu ng iba pang lungsod, magbigay kayo ng subsidy para tumaas ang daily gas allowance ng mobile cars at mga motorsiklo , kasama na ang mga 9mm bullets ng mga pulis dito sa Metro Manila.

Kaya pala, lumalakas ang loob ng mga kriminal dahil alam nilang hindi sila mahahabol ng mga pulis na kulang ang gasolina at bala!

Read more...