Umaasa ang Malakanyang na matitigil na ang sisihan makaraang akuin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang responsibilidad sa “Samar misencounter” na ikinasawi ng anim na pulis.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, layon ng pag-ako ni Duterte na matuldukan na ang sisihan.
Sinabi ni Roque, humihingi pa rin ng hustisya ang ilang kaanak ng mga namatay na pulis at iginiit na dapat mayroong managot sa nangyari.
Tiniyak naman ng opisyal na magtutulungan na at magkakaroon ng mas maayos na koordinasyon ang militar at pulisya upang hindi na maulit ang anumang insidente o trahedya sa hinaharap.
Noong June 25, anim na pulis ang patay sa dalawampung minutong engkwentro sa pagitan ng mga miyembro ng 805th Company of the Regional Mobile Force Battalion ng Philippine National Police at tropa ng 87th Infantry Battalion of Philippine Army.