Nauuso ngayon sa internet ang mga videos na nagpapakita ng paggawa at paggamit ng do-it-yourself (DIY) braces na tinutularan lalo na ng mga kabataan.
Ayon sa paalalang inilabas ng FDA, pinag-iingat ang publiko sa paggawa ng DIY braces gamit ang goma, dental floss o kaya ng kung anumang mabilis na mabibili online.
Giit ni Health Sec. Janette Garin na tumatayo ring director general ng FDA, bukod sa impeksyon, maaaring mag-sanhi ng seryoso at permanenteng pagkasira ng gilagid at ngipin ang paggamit ng mga ito nang hindi sumasailalim sa pagsusuri ng mga propesyonal na orthodontist.
Nagpaalala din ang FDA sa publiko na pumunta at magpatingin sa tamang doktor sakaling mayroon silang problema sa ngipin, dahil ang paggamit ng DIY braces ay maaaring magresulta sa pagkatanggal ng mga ngipin, at pagkasira ng ugat na dinadaluyan ng dugo sa gilagid.
Ayon din sa babala ng American Association of Orthodontists (AAO), maaari itong magsanhi ng pamamaga at pagdurugo ng gilagid, pati na rin ng hindi maipaliwanag na hindi sakit sa gilagid at mukha.
Nabatid na karamihan sa mga nagpopost sa YouTube ng kanilang video na gumagawa at nagsusuot ng ganito ay hindi kaya ang presyong kapalit ng pagpapakabit ng totoong dental braces.
Elastic hair bands o panali sa buhok na gawa sa goma, paper clips at dental floss ang madalas na ginagamit ng mga gumagawa nito sa halip na magpatingin sa dentista at sumailalim sa mahal at mabusising proseso ng pagpapakabit ng tamang braces.
Napatunayan lamang sa mga nasabing inilabas na babala ng mga ahensyang pangkalusugan, na ang murang solusyon ay hindi lagi ang tamang solusyon.