Tax reform, isusulong pa rin ng Kamara at Senado

 

Mula sa inqurer.net

Hindi pa rin sinusukuan ng Kamara at ng Senado ang panunuyo sa Malacañang na sang-ayunan na ang kanilang panukalang pagpapababa sa singil ng income at corporate taxes sa mga mamamayan.

Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr., walang balak ang mga majority leaders ng House of Representatives na bitiwan ang nakabinbing panukala at patuloy pa rin itong isusulong sa pagbabalik ng sesyon sa susunod na buwan.

Ani Belmonte, silang dalawa ni Senate President Franklin Drilon ay makikipagpulong kay Pangulong Benigno Aquino III, na nauna nang nagpahayag ng hindi pagsuporta sa nasabing panukala.

Nang malaman naman ito ng palasyo, ipinahayag ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr. na hihintayin na lamang nila ang proposal nina Belmonte tungkol sa nasabing usapin.

Ani Coloma, ang ipinag-aalala ng pangulo ay ang posibleng pagbaba ng credit ratings ng Pilipinas kapag binabaan na ang singil sa buwis sa mga mamamayan.

Aniya, kung babawasan ang income tax ng mga manggagawa, kakailanganing taasan ang value-added tax (VAT) hanggang 14% mula sa ngayo’y 12% sa mga pangunahing bilihin at serbisyo para mabawi ang kawalang dulot nito.

Sakaling maisabatas, ang unang reporma sa buwis sa loob ng dalawang dekada ay inaasahang makapagdadagdag sa inuuwing sahod ng manggagawa, ngunit makakabawas naman sa kita ng gobyerno.

Samantala, napagkasunduan na ng pinakamalaking political party sa Pilipinas na Nationalist People’s Coalition (NPC) na magbigay ng buong suporta sa nasabing panukala.

Naniniwala ang partido na malaking hakbang ito para mapa-angat ang mga ordinaryong mamamayan.

Read more...