Halos mapuno na ng mga pasyenteng may leptospirosis ang lobby ng ikalimang palapag nai-convert na bilang ward ng East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City.
Sinabi ni EAMC Public Health Unit head Dr. Dennis Ordoña na sa kasalukuyan ay puno na rin ng mga leptospirosis patients ang ward malapit sa kanilang emergency room.
Karamihan sa mga pasyante sa EAMC ay iyung mga hindi na tinanggap sa National Kidney and Transplant Institute dahil marami na rin doon ang mga pasyenteng may leptospirosis.
Sa kasalukuyan ay mayroon na silang 61 na pasyente at 41 sa mga ito ang sumasailalim sa dialysis.
Ang leptospirosis ay isang sakit na nakukuha mula sa maruming tubig-baha kung saan ang bacteria nito ay nagmumula naman sa mga dumi ng daga.
Sinabi ng Department of Health na dapat mag-ingat ang publiko sa paglusong sa maruming tubig dahil nakamamatay ang leptospirosis.
Bagaman sapat ang supply ng doxycycline medicine na siyang pangunahiung gamot sa leptospirosis, sinabi ng DOH na dapat ay mag-ingat pa rin ang publiko.
Bukod sa Metro Manila ay tumaas na rin ang mga kaso ng leptospirosis sa Region 4B o Mimaropa region ayon sa DOH.