Sinibak sa pwesto ang precinct commander at tatlong pulis na umaresto kay Genesis Argoncillo alyas “Tisoy” sa gitna ng pinaigting na kampanya ng pulisya kontra tambay.
Ayon kay Quezon City Police District Director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., ipinag-utos niya ang pagsibak sa commander ng Police Community Precinct (PCP) 3 ng Novaliches Police Station 4 at tatlong iba pang pulis.
Ito ay sina PCP 3 Commander Senior Inspector Cyril Dagusen, PO1 Paul Hector Calderon, PO1 Paulo Lopez Jr., at PO1 Ruel Tubat.
Inilipat sila sa District Headquarters Support Unit sa Camp Karingal.
Nasawi si Argoncillo dahil sa pambubugbog umano ng kapwa preso.
Inaresto siya ng mga pulis dahil wala siyang damit pang-itaas at sinampahan ng kasong alarm and scandal.