Regulasyon sa armored trucks, hiniling ng MMDA sa I-ACT

 

Hiniling ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA sa Inter Agency Council for Traffic o I-ACT na magpatupad ng regulasyon sa mga armored truck.

Ito ay kasunod ng pagkasawi ng isang traffic constable ng MMDA na si Maricel Gammad na nabundol ng humaharurot na armored truck na may plakang WHZ-330.

Naganap ang insidente noong June 28, habang nakaduty si Gammad sa EDSA northbound, malapit sa Baliwag Bus Terminal sa Cubao, Quezon City.

Sa liham ni General Manager Jose Arturo Garcia kay I-ACT Head Tim Orbos, binanggit na ang mga armored truck ay “private third party contractors” ng mga bangko.

Gayunman, pinalilinaw ni Garcia kung ang mga armored truck ay ikinukunsidera bang pribado o pampublikong sasakyan; kung may patuntunan ba na ipinatutupad ang I-ACT upang ma-regulate ang operasyon ng mga ito; ano ba ang road safety specifications para sa armored trucks; maging kung ano ang kwalipikasyon para maging drayber ng armored trucks; at anu-ano ang mga liabilities o maaaring pananagutan ng operator at ng kliyenteng bangko kapag na-aksidente ang sasakyan.

Higit sa lahat, umapela ang MMDA sa I-ACT na magkaroon ng mahigpit na regulasyon at i-monitor ang operasyon ng armored trucks upang maiwasan na ang anumang aksidente na ikakamatay ng sinuman.

Tiniyak naman ni I-ACT spokesperson Atty. Aileen Lizada na pag-aaralan nila ang request ng MMDA.

I-aakyat din aniya ito sa Land Transporation Franchising and Regulatory Board o LTFRB, lalo’t sa kasalukuyan ay wala pang guidelines para sa mga armored truck.

 

Read more...