Philippine Council for Evangelical Churches nais makaharap si Pangulong Duterte

Humihirit ang Philippine Council for Evangelical Churches (PCEC) sa Palasyo ng Malacañan na personal na makaharap si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ginawa ng PCEC ang apela matapos ang kanilang pakikipagpulong sa three-man committee na inaataasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na makipag-dayalogo sa iba’t ibang religious groups.

Ayon kay Roque, nais kasi ng PCEC na ipagdasal ang pangulo.

“Oho, at sabi ko naman po, ipararating ko ito sa Presidente. Ang gusto lang naman nila, is an audience para mapagdasal po ang ating Presidente,” ayon sa tagapagsalita.

Dagdag ni Roque, nakahanda rin na humingi ng tawad ang PCEC bagaman hindi ang kanilang hanay ang nagbigay ng sugat sa pangulo.

“At sinabi nga rin nila na kung makakabuti ba para kay Presidente ay sila na mismo ang hihingi ng tawad ‘no, at kumbaga atonement ‘no. Pero ang sabi ko nga, well hindi naman po kayo iyong nagbigay ng sugat sa kaniya pero tingnan po natin kung anong mga pangyayari sa mga susunod na araw,” ani Roque.

Matatandaang sinabi ng pangulo na nabiktima siya ng sexual harassment ng mga pari noong nag-aaral pa siya ng high school sa Ateneo de Davao University.

Kabilang sa komite sina Roque, Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Ernesto Abella, at Pastor Boy Saycon.

“Ay, nasa Presidente po iyan. Ako naman ay sugo lamang ‘no, at ipararating ko lang po iyong mensahe na kaya naman sila makikipagpulong para ipagdasal siya, para bigyan siya ng pastoral care,” dagdag pa ni Roque.

Read more...