Matapos ang ilang dekada, umarangkada na ang pagsasaayos sa lumang passenger boarding bridges (PBB) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal, bago na ang 20 boarding bridges sa NAIA Terminal 1 pagsapit ng unang quarter ng 2019.
Sinabi ni Monreal na mula sa bakal na pader, magiging gawa na sa salamin ang pader ng mga ito. Magkakaroon na rin ito ng air conditioner at CCTV cameras.
Ayon kay Monreal, target ng MIAA na matapos ang pagtatayo ng 11 tulay bago matapos ang taon habang ang nalalabing siyam na iba pa ay sa unang quarter ng 2019.
Ito ang unang pagkakataon na papalitan ng MIAA ang boarding bridges sa NAIA Terminal 1 sa loob ng 33 taon.
Nagsimula ang pag-aalis sa lumang PBB noong Linggo sa Gate 9 ng paliparan.