Pinangunahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS ang public consultation kaugnay sa petisyon ng water concessionaires na Manila Water at Maynilad.
Nauna nang inanusyo ng Manila Water na nais nilang magpatupad ng dagdag-singil na P8.30 per cubic meter, habang ang Maynilad ay P12.00 per cubic meter ang target na rate hike.
Kabilang sa mga present sa konsultasyon ang ilang cause oriented at consumer groups.
Ayon sa MWSS, layunin ng public hearing na mailatag ang mga proyekto ng Manila Water at Maynilad; at maipaintindi sa stakeholders ang aaprubahang rate ng dalawang water concessionaires.
Sa hearing, kinuwestyon ni Renato Reyes ng grupong BAYAN ang water rate hike ng Manila Water at Maynilad, lalo’t malaki naman aniya ang kita ng dalawang kumpanya.
Ayon kay Reyes, aabot sa P6.5 Billion ang net income ng Manila Water noong 2017, samantalang P7.4 Billion ang net income ng Maynilad.
Maging si dating Bayanmuna Partylist Rep. Neri Colmenares ay umalma sa pagtaas sa singil sa tubig.
Pangamba nito, baka may ipasang halaga sa mga konsumer ang water concessionaires o tinatawag na “pass-on” at sa bandang huli ay dehado pa rin ang mga mamamayan.