Natagpuang patay kanina, (October 20) alas 6:50 ng umaga ang alkalde ng bayan ng Loreto Agusan del Sur at kaniyang anak na naunang naiulat na dinukot ng mga armadong kalalakihan sa Butuan City kahapon.
Si Mayor Dario Otaza at anak nitong si Daryl ay kapwa natagpuang nakatali at may tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan sa Purok 2, Brgy Bitan-agan, Butuan.
Ang dalawa ay dinukot sa bahagi ng Butuan City kagabi ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA).
Si Mayor Otaza ay dating miyembro ng NPA at tumatakbo bilang reelectionist mayor sa bayan ng Loreto.
Aktibo din si Otaza sa “Serbisyo Caravan” project sa lalawigan.
Si Otaza at kaniyang anak ay dinukot alas 6:45 ng gabi sa kanilang tahanan sa Barangay Baan Riverside.
Ayon kay Capt. Jasper Gacayan, tagapagsalita ng 401st Brigade ng Philippine Army, sakay ang mag suspek ng isang kulay itim na Starex van.