Maituturing na ‘hardest hit’ ng bagyong Lando ang region 3 dahil sa pinsalang iniwan ng bagyo sa mga lalawigan sa rehiyon.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Usec. Alexander Pama, partikular na maapektuhan ng husto ang mga lalawigan ng Aurora at Nueva Ecija.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Pama na matapos tumama sa kalupaan ng Aurora ay ilang oras na binayo ng Lando ang lalawigan.
Habang ang Nueva Ecija naman ay nanatiling lubog sa tubig baha ang maraming bayan. “Mukhang region 3 ang hardest hit, ang Aurora, ilang oras binayo ng bagyong Lando, ang Nueva Ecija naman ay binaha,” ayon kay Pama.
Bagaman papalayo na ang bagyo at nakalabas na sa Philippine Landmass, sinabi ni Pama na hindi pa tapos ang epekto ng nito sa Region 3.
Ang tubig baha kasi aniya na unti-unting huhupa sa Nueva Ecija ay bababa naman sa Pampanga.
Dahil dito, pinayuhan ni Pama ang mga residente sa Pampanga na huwag maging kampante, kahit pa sumikat na ang araw, at hindi na nakararanas ng malakas na ulan.
“Mukhang hindi pa tapos ang epekto sa region 3 dahil ang baha sa Nueva Ecija, bababa pero mapupunta sa Pampanga. Kaya ang mga kababayan natin baka akala nila ok na tapos na ang bagyo, pero baka magulat sila pagdating ng tubig,” dagdag pa ni Pama.
Sinabi ni Pama na nagpapatuloy ang relief operation ng pamahalaan sa mga naapektuhan ng bagyo.
Sa ngayon, labing dalawa ang kumpirmadong nasawi sa bagyo batay sa opisyal na talaan ng NDRRMC.