Hihilahin na lamang ang barko at barge na sumadsad sa bahagi ng Manila Bay sa kasagsagan ng bagyong Lando.
Ang Malayan Towage & Salvage Corporation ang hahatak sa sumadsad na barkong Mary The Queen at sa barge na may lamang tone-toneladang coal o uling.
Ayon kay Joebert Besa, mekaniko at isa sa mga umaasiste sa mga divers, isasailalim sa survey ang nabanggit na mga barko at barge para matiyak na walang butas ang mga ito matapos na sumadsad sa seawall ng baybayin ng Manila Bay
Dahil sa bigat ng karga ng barge, kinakailangan ng malaking tugboat o kaya ay dalawa hanggang tatlong tugboat para maialis na ang barge sa Manila Bay.
Ang nakaharang Manyplus 1 na isa ring tugboat ang syang nagsisilbing angkla ng barge at Mary The Queen para hindi tuluyan na dumikit sa sea wall.
Ngayong araw ay kalmado na ang dagat at sumikat na ang araw kaya inaasahan na mailalayo na ang barge at barko at mahahatak na sa mas malalim na bahagi ng Manila Bay.
Sa sandaling mailayo sa baybayin ay doon ito paandarin o dikaya ay isasailalim sa repair sakaling nagkaroon ng damage sa ilalim dahil sa pagsadsad.