Kaso ni Tisoy pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc sa Kamara

INQUIRER Photo

Pinaiimbestigahan ng Makabayan bloc sa Kamara ang paghuli at ang pagkakapatay sa 22-anyos na Genesis Argoncillo alyas Tisoy sa Quezon City.

Base sa House Resolution No. 1971 na inihain ng Makabayan bloc, hindi nagtutugma ang pahayag ng mga saksi at ng Quezon City Police District sa kung paano inaresto si Tisoy.

Kailangan anila ng House inquiry in aid of legislation upang malaman kung ligal ang pag-aresto, pagkukulong kay Tisoy at kung ano talaga ang naging dahilan ng kamatayan nito.

Sa salaysay ng may-ari ng tindahan, nakaupo lamang si Tisoy habang hinihintay na pumasok ang binili nitong load nang dumating ang mga pulis mula sa QCPD Station 4 saka pinahawakan dito ang bote ng alak na walang laman at kinunan ng larawan.

Sinabi rin anila ng kapatid ni Tisoy na nakita nila ang bangkay nito sa ospital apat na araw matapos arestuhin na may marka na pinahirapan ito.

Sa naging pahayag ng QCPD, sinabi ng mga ito na inaresto si Tisoy dahil sa pagiging lasing at sa reklamong “alarms and scandals” at ang mga sugat na tinamo nito na naging dahilan ng kanyang pagkamatay at “self-inflicted” bukod pa sa “mentally disturbed ito.”

Read more...