Sa pagdinig sa Sandiganbayan First Division kaugnay ng P224.5 million plunder case ni Revilla, sinabi ni Merlina Suñas na hindi niya personal na nakita ang dating mambabatas na tumanggap ng pera mula kay Napoles.
Nang tanungin pa ng depensa kung nakabisita siya sa tanggapan ni Revilla, negatibo rin ang sagot ni Suñas.
Sa kabila ng pagiging testigo ng prosekusyon, pinili si Suñas ng kampo ni Revilla na sumalang sa witness stand at bilang hostile witness ng depensa.
Argumento ng abogado ni Revilla, interes ni Suñas na magkaroon ng immunity o hindi makasuhan kapalit ng pagtestigo laban sa dating Senador para ito ay ma-convict.
Pero tinutulan ito ng prosekusyon dahil obligado lamang umano ang testigo sa kundisyon ng Witness Protection Program (WPP).