Pinagbigyan ng Sandiganbayan 1st division ang mosyon ng kampo ni dating Senador Bong Revilla na gawin bilang “hostile witness” si Merlina Suñas, isa sa whistle blower sa pork barrel scam case.
Si Suñas na dating staff ng tinaguriang pork barrel queen na si Janet Lim Napoles ay nasa ilalim ng Witness Protection Program o WPP.
Sa mosyon ng depensa, nais nilang maging adverse o hostile witness si Suñas dahil siya ay nasa ilalim ng WPP at tumetestigo para sa prosekusyon.
Hinarang pa ng prosekusyon ang pagsalang ni Suñas bilang saksi pero hindi pinagbigyan ng Sandiganbayan ang argumento ng mga abogado ng gobyerno.
Sa pagsalang ni Suñas sa plunder trial ng korte sa kaso ni Revila kanina, kanyang sinabi na hindi niya personal na kilala ang dating mambabatas.
Hindi rin daw niya nakitang tumanggap ng pera si Revilla mula kay Napoles o kahit sa sinumang dating tauhan nito gaya ni Benhur Luy.
Paglilinaw pa ni Suñas na hindi raw siya kailanman nakapag-abot ng salapi kay Revilla at wala ring anumang transaksyon, sa halip ay nagkita lamang silang dalawa sa burol ng yumaong nanay ni Napoles.