Umaabot sa 45.66 percent ng ating populasyon o katumbas ng 46 milyon na katao ang nakikinabang sa peso depreciation laban sa U.S dollar.
Ito ang lumabas sa pag-aaral ng First Metro Investments Corp. (FMIC) at ng University of Asia and the Pacific (UA&P).
Sinabi ng investment banking arm ng Metrobank group na UA&P na sandaling panahon lang mararamdaman ang negatibong epekto ng pagbulusok ng halaga ng piso sa merkado.
Sa pangkalahatan ay kanilang sinabi na dahil sa mahinang piso ay mababawasan ang importasyon ng bansa na siya namang magbibigay daan sa mas maraming exports ng mga kalakal.
Isa rin sa epekto nito ay ang magiging malaki ang ipadadalang dolyar ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa labas ng bansa na siyang magdaragdag sa U.S dollar buffer ng Pilipinas.
Sa kasalukuyan ay mayroong 10 milyon ang bilang ng mga Pinoy na manggagawa sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa pagsasara ng merkado kahapon ay umabot sa $53.44 ang palitan sa piso na siyang pinakamababa sa nakalipas na 12 taon ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Sinabi pa ng FMIC at ng UA&P na hindi lang ang Pilipinas ang dumaranas ngayon ng currency depriaciation kundi ang ilang mga kalapit bansa tulad ng Indonesia at Malaysia.
Magpapatuloy umano ang ganitong scenario dahil sa tumaas na interest rates sa U.S na siyang direktang nakaapekto sa halaga ng ating piso.
Isa rin umanong dahilan nito ay ang sabay-sabay na infrastructure projects ng pamahalaan sa ilaim ng Build Build Build program kung saan ay mas tumaas ang gamit ng U.S dollar para sa mga proyekto.
Pero sa kabilang banda ay maghahatid naman ito ng dagdag na trabaho at negosyo dahil sa dami ng mga kakailanganing manggagawa sa nasabing infra projects ng gobyerno.