PCOO nakatikim ng pangaral kay Gatchalian

Makaraang mabiktima sa panibagong pagkakamali nakatikim ng pangaral mula kay Senator Win Gatchalian ang Presidential Communications Operations Office o PCOO.

Ipinagdiinan ni Gatchalian na napakahalaga ng accuracy sa trabaho ng mga taga-PCOO.

Ang opisina ni Sec. Martin Andanar, ayon kay Gatchalian, ang namamahala sa mga komunikasyon ng pangulo ng bansa kaya’t napakahalaga na tama ang lahat ng detalye na kanilang inilalabas.

Dagdag pa ng senador, dapat ay binubusisi din ng mga tao ni Andanar ang kanilang ginagawang komunikasyon o inilalabas na impormasyon bago nila ito isinasapubliko.

Sa huling salto ng PCOO naging Winston ang pangalan ng senador sa halip na Sherwin.

Kamakailan lang ay tinawag naman ng PCOO sa kanilang tweet na Rogelio imbes na Roilo ang pangalan ng namayapang si dating National Security Adviser Roilo Golez makaraang dumalaw ang pangulo sa lamay nito.

Read more...