Sa kwento ni Grace Ann Bartolome, matagal nilang pinaghandaa at pinag-ipunan ang dapat sana ay masayang bakasyon nilang magkakaibigan sa Hong Kong, nag-leave pa sila sa trabaho pero ang kanilang “dream trip” ay nauwi sa nakakatakot na karanasan.
Aniya, maayos silang nakaalis ng Pilipinas pero hinarang sila sa immigration sa Hong Kong. Tinanong umano sila kung iyon ang unang beses na nagpunta sila ng Hong Kong at pagkatapos ay nilapitan na sila ng maraming immigration staff.
Marami umanong itinanong sa kanila na lahat naman ay kanilang nasagot, lahat din ng dokumentong hinanap sa kanila ay naipakita nila sa mga immigration officer.
Pero sa kabila nito, sinabi ni Bartolome na sinabihan silang hindi sila pwedeng pumasok sa Hong Kong at agad silang pababalikin ng Pilipinas at ang tanging sinabing dahilan sa kanila ay “for security purpose”.
Ani Bartolome, tinignan din ang lahat ng kanilang mga gamit at walang nakuhang kahit anong ipinagbabawal na gamit sa kanila ang mga taga-immigration ng Hong Kong.
Sinibukan pa umano nilang makiusap at sinabing pinag-ipunan nila ng matagal ang biyahe, pero hindi pa rin sila pinayagan.
Agad silang pinasakay sa flight pauwi ng Pilipinas at ang masaklap ayon kay Bartolome, sila ang pinagbayad ng flight tickets.
Aniya matinding trauma ang naranasan nila sa sampung oras na pananatili sa kostodoiya ng Hong Kong immigration.
Sa huli sinabi ni Bartolome na nagpapasalamat na rin sila at maayos silang nakabalik ng Pilipinas.