Ilang lugar sa Metro Manila may suplay na ng NFA rice

Unti-unti nang naibabalik ng National Food Authority ang murang bigas sa merkado.

Ito ay matapos maantala nang ilang linggo ang pagdiskarga sa mga pantalan ng imported na bigas mula Thailand at Vietnam dahil sa mga pag-ulan.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay NFA Spokesperson Rex Estoperez, tinatayang 40% ng lugar sa buong bansa ang nasuplayan na ng murang bigas. Ilan sa mga ito ang Bulacan, Bicol Region, Pampanga at Surigao.

Samantala, sinabi ni Estoperez na nasa 30% na ng bigas para sa Metro Manila ang naidiskarga. Ilan sa mga lugar na mayroon nang supply ng NFA rice ang Caloocan City, Malabon City, Navotas at Valenzuela City.

Target ng ahensya na maipakalat ang murang bigas sa 80% ng merkado ngayong linggo.

Nanantili naman sa 27 pesos at 32 pesos ang presyo ng NFA rice.

Nakiusap naman si Estoperez sa mga mamimili na limitahan ang pagbili ng bigas.

Ayon kay Estoperez, sa Hulyo at Agosto darating ang susunod na batch ng imported na bigas ng NFA.

Read more...