Ito ay kasunod pa rin ng pinaigting na operasyon ng Philippine National Police (PNP) kontra tambay.
Sa tala ng Southern Police District (SPD), aabot sa kabuuang bilang na 356 katao ang nahuli mula sa mga lungsod ng Pasay, Makati, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Taguig at Pateros.
Batay sa naturang bilang, 106 sa mga ito ay naaktuhang umiinom sa kalsada, 26 ang walang damit pang-itaas habang 143 naman ang mga menor-de-edad na nananatili sa kalsada sa kabila ng curfew hours.
Maliban dito, nahuli rin ang 75 katao na naninigarilyo, pito ang umiihi sa mga pampublikong lugar, at dalawang illegal vendor.
Ang nasabing bilang ng mga tambay ay nahuli mula 5:00 ng umaga ng June 24 hanggang 5:00 ng umaga ng June 25, araw ng Lunes.
Mula naman June 13 hanggang June 25 ay 70 sa mga ito ang nakulong na pawang local ordinance violators.