Magsasagawa ng strike ang ilang transportation groups ngayong araw upang iprotesta ang jeepney phaseout plan ng gobyerno at ang mataas na presyo ng langis dulot ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Hinimok ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at ng No To Jeepney Phase Out Coalition (NTJPOC) ang iba pang public transport operators, tsuper at mga concerned citizens na lumahok sa kanilang kilos-protesta.
Magtitipon-tipon ang mga makikilahok sa protesta ngayong alas-8 ng umaga sa harap ng Petron gas station sa East Avenue at magmamartsa patungong Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Partikular na iproprotesta ng mga grupo ang umano’y bagong scheme ng LTFRB para sa jeepney phaseout.
Anila, sa ilalim ng dalawang memorandum circular na inilabas ng LTFRB noong Marso ay kakailanganin pa rin nilang bumili ng mamahaling sasakyan.
Samantala, iproprotesta rin ang mahal na presyo ng langis sa ilalim ng administrasyon lalo na umano ng magsimula ang implementasyon ng TRAIN law noong Enero.
Ayon sa mga transport group, ang mataas na presyo ng krudo ay nangangahulugan ng mas mataas na operational cost ng mga driver kung saan umaabot na anila sa P420 ang nawawala sa jeepney driver kada araw.