PUJs ng ibang transport groups, tuloy ang serbisyo sa gitna ng tigil-pasada ng PISTON

Tuloy ang biyahe ng mga unit ng ibang jeepney operators, sa araw ng transport strike ng PISTON at No To Jeepney Phase Out Coalition bukas (June 25).

Ayon kay Atty. Aileen Lizada, tagapagsalita ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB, tiniyak ng ilang public utility jeepney o PUJ transport leaders na magkakaloob sila serbisyo sa mga mananakay sa gitna ng tigil-pasada ng dalawang magpo-protestang grupo bukas.

Kabilang sa mga may biyahe bukas ay ang mga unit ng FEJODAP, ACTO, ALTODAP, Stop and Go at Pasang Masda, kaya huwag daw mag-alala ang mga commuter.

Inaasahan din na magdedeploy ang gobyerno ng ilang mga sasakyan na magkakaloob ng ayuda sa mga pasahero na maaapektuhan ng transport strike.

Pero giit ni George San Mateo ng PISTON na walang atrasan ang kanilang tigil-pasada bukas.

Hinihimok din nito ang iba pang drayber, mga operator at mamamayan na sumama sa kanilang kilos-protesta laban sa pagpapatuloy ng jeepney phase out at mataas na presyo ng produktong petrolyo.

 

Read more...