Nagsagawa ng tradisyonal na “lightning rally” ang ilang estudyante ng University of the Philippines (UP) Diliman sa kanilang 107th General Commencement Exercises, Linggo ng umaga.
Ilan sa mga sigaw ng mga estudyante, “Duterte mismo, babagsak!” at “Edukasyon, karapatan ng mamamayan.”
Maliban dito, tinutulan din ng mga estudyante ang isinusulong PUV modernization program ng pamahalaan.
Makikita rin sa mga dalang placards ng mga estudyante ang mga katagang “No to Chacha,” “Free all political prisoners,” “Stop the killings,” “Peace talks ituloy!” at iba pa.
Matapos makita ang mga placard, nagparating ng suporta si Senadora Loren Legarda sa panunumbalik ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front (NDF) sa kanyang graduation speech.
Nakatanggap si Legarda ng Doctor of Laws honoris causa mula sa unibersidad.
Samantala, aabot sa mahigit-kumulang 4,000 estudyante ang nagtapos mula sa iba’t ibang lebel ngayong taon. 3,576 sa bilang ay undergraduate students habang 1,042 naman ang nakatanggap ng graduate diploma, master’s at doctoral degree.
Sa naturang bilang, 29 estudyante ang nagtapos ng summa cum laude, 402 ang magna cum laude at 1,010 naman ang cum laude.
Sa graduation speech naman ni China Marie Giuliani Gabriel, summa cum laude mula sa BA Broadcast Communication ng UP College of Mass Communication, tinawag nitong truth-tellers at guardians of hopes ang panibagong batch ng mga graduates.
Sa pagtatapos ng seremonya, sabay-sabay umawit ang mga estudyante ng “UP Naming Mahal.”