Pangulong Aquino, pinangunahan ang pamimigay ng relief goods sa Nueva Ecija

 

Kuha ni Armand Galang/Inquirer Central Luzon

Pinangunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang pamimigay ng mga relief goods sa mga nasalanta ng bagyong Lando sa Neva Ecija.

Naglalaman ng kape, instant noodles, mga de lata, bigas, kumot at kubyertos ang mga relief packs na ipinamigay ng pangulo.

Nakatuwang ni Pangulong Aquino sa paghahatid ng tulong sa 204 pamilyang inilikas sa Nueva Ecija Elementary School ang Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Department of Science and Technology, Department of Interior and Local Government at National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Nasa tabi ng pangulo sina DSWD Sec. Corazon “Dinky” Soliman, Nueva Ecija Gov. Aurelio Umali at Cabanatuan City Mayor Julius Cesar Vergara sa oamimigay ng relief goods.

Pinaalalahanan naman ng pangulo ang mga residente na huwag pa rin magpaka-kampante ngayong bahagyang nagiging maaliwalas na ang panahon at sundin pa rin ang mga babala ng gobyerno.

Aniya, nasanay kasi ang mga residente na kapag wala nang nakikitang ulan ay babalik na agad sa kanilang mga dating tirahan sa pag-aakalang ligtas na sila.

Pero dahil sa inaasahang pagragasa ng tubig na naipon sa isang linggong walang tigil na ulan mula sa mga bundok sa hilagang bahagi ng Luzon, pinipigilan pa rin ng mga lokal na pamahalaan ang mga residente na bumalik sa kanilang mga tahanan.

Tinatayang nasa 800 na barangay ang maaaring maapektuhan sakaling mangyari ito kaya matinding pag-iingat ang patuloy na pinapaalala ng mga lokal na pamahalaan sa mga mamamayan.

Ani Pangulong Aquino, pinagsasama-sama at inaayos pa ng mga ahensya ng gobyerno ang mga datos na may kaugnayan sa mga pinsalang idinulot ng bagyong Lando.

Dagdag pa niya, hanggang ngayon ay isinasaayos pa ang mga linya ng komunikasyon at kuryente sa mga nasalantang lugar.

Gayunman, tiniyak niya na inaayos na ng mga tauhan ng iba’t ibang kumpanya ng kuryente ang mga transmission lines para na rin siguruhing ligtas ang mga itong daluyan muli ng kuryente.

Nais din ng pamahalaan aniya na masigurong ligtas ang lahat sa anumang kapahamakan, lalo na sa mga sakit na maaaring idulot ng nagdaang kalamidad.

Read more...