Malacañang tutol sa mandatory drug test sa mga batang estudyante

Inquirer file photo

Sumasang-ayon ang Malacañang sa posisyon ng Department of Education na hindi dapat isalang sa mandatory drug test ang mga batang mag-aaral na nauna nang ipinanukala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ipinaliwanag ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi akma sa isang grade schoolers ang isalang sa drug test na posible umanong maka-apekto sa pag-iisip ng isang bata na itinuturing na suspek sa isang krimen.

Pinayuhan rin niya ang PDEA na kumunsulta sa DepEd para sa tamang assessment sa kanilang planong mandatory drug test sa mga kabataan.

Kung itutuloy man ang nasabing plano ay dapat umanong sa mga senior high school students gawin ito at hindi sa mga higit na mas batang mga mag-aaral.

Nauna nang sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na hindi pa naman nila gagawin ang mandatory drug test.

Pero kanyang sinabi na siya ay nababahala sa kasalukuyang kundisyon ng bansa lalo’t may naaresto na sila na isang 10 taong gulang na bata na umano’y nagtutulak ng shabu.

Read more...