Kinilala ang suspek na si Aldrin Taharan, kwarenta’y otso anyos na mangingisda mula sa Laguna, na naaresto ng mga kasapi ng Special Operations Unit at Drug Enforcement Unit ng Police Regional Office o PRO 4.
Ayon kay Quezon police chief Senior Supt. Osmundo de Guzman, hinuli si Taharan dakong alas-dos ng hapon ng Biyernes (June 22), makaraang makapagbenta siya ng cocaine sa isang pulis na umaktong buyer.
Nakuha mula sa suspek ang nasa apat na bricks ng hinihinalang cocaine na tumitimbang ng apat na kilo, at may estimated value na P21.1 million.
Sinabi ni PRO4A Regional Director Police Chief Supt. Edward Carranza, binibenta ni Taharan ang cocaine nang “tingi-tingi” at humihirit pa sa mga kostumer nito na i-endorso siya sa iba lalo na sa mga banyaga.
Kasong paglabag sa section 5 at 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act ang isasampang kaso laban sa suspek.