LOOK: Pagkahuli sa malaking isda senyales ng panunumbalik ng buhay ng Pasig River-PRRC

Ikinatuwa ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ang panunumbalik ng mga isda sa Pasig River.

Ayon kay PRRC Executive Director Jose Antonio “Pepeton” E. Goitia, isang netizen ang nagpadala sa kanila ng litrato ng isang malaking isdang nahuli sa nasabing ilog.

Ang larawan ay ipinadala ni Rafael Decena sa tanggapan ng PRRC.

Sa nasabing litrato, makikita ang isang lalaking buhat-buhat ang malaking isdang Imelda na kanyang nabingwit sa may bahagi ng Kaunlaran Bridge sa Buting, Pasig City noong Huwebes.

Ayon kay Goitia, ang pagkahuli ng malaking isda sa Pasig River ay magandang senyales na nanumbalik ang buhay sa nasabing ilog.

Ito’y bunsod na rin ng walang tigil na pagkilos ng PRRC sa paglilinis ng Pasig River.

“Kung titingnan natin ay tuloy tuloy ang paglilinis sa Pasig River ng mga River Warrior kaya bumabalik na rin dito ang buhay tulad na lamang ng mga malalaking isdang iyan,” ayon pa kay Goitia.

Kasabay nito, patuloy na umapela si Goitia sa mamamayan na tumulong para sa pagpapanatili sa kalinisan ng Pasig River ay iba pang ilog sa Metro Manila.

Batay sa isinagawang biodiversity study ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nanumbalik ang iba’t ibang uri ng isda, ibon, halaman at puno sa Pasig River.

Sa nasabing pag-aaral, walong species ng isda ang muling nanumbalik sa Pasig River na kinabibilangan ng kanduli, mamaling, buan-buan, dalong, gurami, talilong, tilapia at janitor fish.

Read more...