Mahigit 7,200 hinuli sa Metro Manila sa pinaigting na kampanya ng PNP laban sa mga tambay sa loob ng pitong araw

Sa loob lamang ng pitong araw umabot na sa 7,291 ang kabuuang bilang ng mga nahuling lumabag sa Metro Manila kaugnay sa pinaigting na kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga “tambay”.

Sa datos mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang 7,291 na mga nahuling lumalabag sa iba’t ibang mga ordinansa ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila ay mula June 13 hanggang alas 5:00 ng umaga kanina, June 20.

Pinakamaraming huli ay sa Eastern police District (EPD) na umabot na sa 2,237; sumunod ang Southern Police District (SPD) na mayroong huli na 2,046; ikatlo ang Quezon City Police District (QCPD) na 1,146; pang-apat ang Northern Police District na mayroong huli na 1,011 at ikalima ang Manila Police District kung saan 851 naman ang nahuli.

Sa ipinadalang abiso at datos ng NCRPO sa mga mamamahayag sinabing ang datos ay base sa isinumite ng iba’t ibang police districts sa Metro Manila kaugnay sa mga lumabag na “tambay”.

Magugunitang inuulan ng batikos ang kampanya ng PNP kontra mga “tambay”, pero nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na ito ay kaniyang polisiya na noon pa sa Davao City at patuloy niya itong ipatutupad para sa ikatatahimik ng mga lansangan sa bansa.

Read more...