Isasailalim sa state of calamity ang bayan ng Jaen sa Nueva Ecija dahil sa matinding epekto ng bagyong Lando.
Ayon kay Jaen, Nueva Ecija Mayor Santi Austria, 95% ng kanilang bayan ang lubog sa tubig baha. Umabot aniya sa 5,000 pamilya ang naapektuhan ng pagbaha.
Maliban dito, mahigit anim na libong ektarya din ng palayan ang nasira dahil sa bagyong Lando.
Sinabi ni Austria na anim hanggang pitong oras silang nakaranas ng malakas na hangin na may kasamang malakas na pag-ulan. “Nakakalungkot at nakakaluha ang nangyari sa amin, anim hanggang pitong oras na hangin, yung mga pananim nabuwal at nalugmog sa putik,” ayon kay Austria.
Marami pa ring mga residente ang kinakailangang iligtas sa Jaen dahil ang iba ay nasa bubungan pa rin ng mga bahay.
Ayon kay Austria, galing sa bahagi ng bayan ng Peñaranda ang tubig baha na rumagasa sa Jaen.
Marami pa ring Barangay sa Jaen ang wala pa ring kuryente at putol din ang suplay ng tubig.