Magtutungo si Pangulong Benigno Aquino III ngayong araw sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Lando.
Ito ay para personal na tignan ang sitwasyon at ang pamamahagi ng relief goods at pagtulong sa mga kinakailangan pang i-rescue.
Wala namang ibinigay na oras ang Malakanyang kung anong oras magtutungo doon si Pangulong Aquino.
Pero ayon kay Interior Sec. Mel Senen Sarmiento na makakasama ni PNoy, posibleng puntahan nila ang bahagi ng Nueva Ecija at Aurora na labis sinalanta ng bagyo.
Una nang sinabi ng mga tagapagsalita ng palasyo na naka-monitor si Pangulong Aquino sa mga nangyayari sa bansa kaugnay sa bagyong Lando.
Bagaman nagbigay ng public address noong Biyernes para balaan ang publiko sa magiging epekto ng bagyong Lando, marami ang nagtatanong kung nasaan si PNoy nitong weekend na kasagsanan ng pananalasa ng bagyo.
Sa kaniyang nationwide public address sinabi ni Pangulong Aquino na mananalasa sa Luzon ang bagyong Lando, kaya pinapayuhan ang lahat na maging handa.
Ayon sa pangulo, bagaman tiyak ang kahandaan ng mga ahensya ng pamahalaan ay kinakailangan pa rin ng kooperasyon ng publiko.