Sa kanyang talumpati sa anibersaryo ng Government Service Insurance System (GSIS), sinabi ng Pangulo na masakit sa kanya ang magtanggal ng opisyal pero magpapatuloy anya ito.
Hindi umano alintana ng Pangulo kung maging tatak niya ang laging naninibak ng nagtatrabaho sa pamahalaan.
Iginiit ni Duterte na kapag nagkamali ang opisyal ay wala na itong second chance dahil dapat anyang hindi nakakaranas ng kurapsyon ang mga Pilipino.
Pero ang pahayag ng Pangulo na wala ng second chance ay taliwas sa muling pagtalaga nito sa ibang ahensya ng sinibak na niyang opisyal na nasangkot sa katiwalian.
Matatandaan na itinalaga ng Pangulo si dating Social Security System commissioner Pompee La Viña bilang undersecretary ng Department of Agriculture.
Muli ring itinalaga ni Duterte sa gobyerno si Melissa Aradanas na isa sa limang opisyal ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) na una nitong tinanggal.
Si Aradanas, na pinsan ng partner ng Pangulo na si Honeylet Avanceña, ay deputy commissioner na ngayon sa Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC).
Habang si dating Bureau of Customs chief Nicanor Faeldon na nadawit sa China shabu smuggling ay itinalaga ng Pangulo bilang deputy administrator sa Office of Civil Defense.