Nagbabala ang United Nations kasunod ng ulat na mahigit 2,000 mga bata ang nahiwalay sa kanilang magulang bunsod ng mahigpit na polisiya na ipinatutupad ng Amerika sa US-Mexico border.
Ayon kay United Nations Secretary General Antonio Guterres, ang ganitong polisiya ni US President Donald Trump ay hindi dapat nakaaapekto sa mga bata.
Nagreresulta aniya ito ng matinding trauma sa mga batang inihihiwalay sa magulang.
Ayon naman kay UN spokesperson Stephane Dujarric, anuman ang polisiya ng Amerika, dapat ay tiyakin pa ring mape-preserba ang pagkakaisa ng pamilya.
Ayon sa UN dapat tratuhin pa ring may respeto at dignidad ang mga refugees at migrante sa ilalim ng umiiral na international law.
Magugunitang kinondena ng mga mambabatas sa Amerika ang administrasyon ni Trump dahil umabot na umano sa mahigit 2,000 bata ang nahiwalay sa kanilang mga magulang sa pagitan ng buwan ng Abril at Mayo.
Ito ay dahil sa polisiya ni Trump na “zero tolerance” sa illegal immigration.